Tumanim sa aking isipan ang mga hakbang na isinagawa ng mga imperyalistang bansa sa usapin ng migrasyon. Isa na rito ang Global Forum on Migration and Development na unang ginanap sa Brussels, Belgium at gaganapin ditto sa Pilipinas ngayong Oktubre, 2008. Ang Global Forum on Migration and Development (GFMD) ay “isang impormal na pag-uusap ng mga bansa at ng mga may kinalamann ditto sa pangunguna ng mga estado para matukoy ang mga praktikal at uubrang paraan upang parehong mapalakas ang kapaki-pakinanbang na relasyon ng migrasyon at kaunlaran” (ILPS, nd). Ang paksa ng GFMD ay naglalayon na talakayin ang pagtatalaga sa migrasyon bilang isang salik sa kaunlaran at maglatag ng mga patakaran upang gamitin ito sa kaunlaran. Ito ay dahil sa mga remittances na nakukuha mula sa mga migrante. Sa pagsusulong ng ganitong usapin at kaisipan, itinalaga ng General Agreement on Trade in Services (GATS) sa kanilang Mode 4 na ‘magtitiyak ng pag-igsi ng mga kontrata, pagbaba ng sahod at pagtiyak ng tustos ng migranteng manggagawang kontraktwal na mababa ang sahod’ (ILPS, nd).
Ang paggamit sa usapin ng migrasyon bilang batayan ng kaunlaran ay nagsusulong lamang ng patuloy na murang paggawa at papaigting na pagsasamantala sa mga manggagawa at migrante. Ginagamit ito ng mga imperyalistang bansa upang makalikom ng ganansya at tubo upang maisalba ang kanilang naghihikahos na ekonomiya.
Bakit nga ba umaalis ng bansa ang mga Pilipino at doon naghahanap ng trabaho? Ito ay dahil sa kawalan ng espasyo sa kanilang bayan. Ang espasyo na dapat na ibinibigay ng kanilang bayan ay ipinagkait sa kanila sa tulong ng mga naghaharing-uri at mga nakaupo sa posisyon sa pamahalaan. Isang manipestasyon nito ang kawalan ng hanapbuhay at kakulangan ng social services na dapat mismo ang pamahalaan ang nagbibigay. Dahil rito, napipilitan ang marami na mangibang bansa at doon hanapin ang kanilang swerte. Ngunit sa kanilang pagpunta roon ay nagiging bulnerable sila sa iba’t ibang porma ng karahasan, lalo na ang mga kababaihang migrante na kadalasa’y nagiging biktima ng reyp at sekswal na pang-aabuso.
Ang mga kadalasang trabaho na pinapasukan ng mga migrante ay trabahador sa pabrika at sa serbisyo tulad ng sa hotel, restoran, bahay at bahay-aliwan. At hindi natin maiaalis na ang trabaho ng mga kababaihang migrate ay hindi nalalayo sa kanilang istiryotipikal na gawaing pambabae tulad ng pag-aalaga ng bata at matanda, paggampan ng mga gawaing bahay at pagbibigay ng aliw sa kalalakihan. Dito natin makikita na hindi nakakawala ang mga kababaihan sa lipunang nosyon ng kanilang gawain bagkus ay isinusulong pa ang pag-igting na nagdudulot ng lalong pagkakulong ng kababaihan sa hawla ng pyudal at burgis na kultura at sistemang umiinog rito.
Naalala ko ang kaso ni Hazel, isang migrante sa bansang Hapon na namasukang isang dancer sa club. Napilitan siyang mangibang bansa upang kumita ng sapat na pera na pantustos sa naghihikahos na buhay ng kanyang pamilya. Ang kanyang pamilya ay kabilang sa uring pesante na umaasa lamang sa kakarampot na kita sa kanilang tanim na gulay sa bakuran. Ang pagnanais na maiahon sa kahirapan ang kanyang pamilya, nangibang bansa siya at doon hinanap ang kapalaran. At doon sa bansang Hapon, pagkatapos lamang ng ilang araw na panunuluyan roon, siya ay nareyp ng isnag sundalong Amerikano.
Ang kaso ni Hazel ay isa lamang sa maraming kaso ng sekswal na pang-aabuso at reyp sa mga kababaihang migrante. Dito natin makikita na matindi ang paglabag sa karapatang pantao at paglapastangan sa kababaihan sa ibayong dagat. Idagdag pa natin rito ang usapin ng pag-aaglahi o ang racism na tinatawag kung saan nakakaranas ng diskriminasyon at pananakit ang mga migrante mula sa taal na mamamayan kung saang bansa sila namamasukan.
Ang kalagayan ng mga migrante, lalo na ng mga kababaihan, sa ibang bansa ay masaklap. Sila ay dapat maglaan ng emotional labor upang maging kapakipakinabang ang kanilang paggawa. Kailangan nilang maging masigla at magmukhang masaya sa kabila ng pangungulila sa pamilya. Ito ay nararanasan ng mga migrante lalo na ng mga nasa lugar ng pagbibigay ng serbisyo (kung saan karamihan rito ay mga kababaihan) tulad ng nars, caregiver, at domestic helper.
Dagdag pa rito, ang mga migrante ay nakakaranas ng mga patakaran sa paggwa at migrasyon tulad ng pagbawas sa sahod, pagpataw ng buwis, pagbawas sa benepisyo, at malawakang pag-aresto at deportasyon sa mga walang dokumento (ILPS, nd). Isa lamang itong katunayan na ang pagsusulong ng migrasyon bilang batayan ng pag-unlad ng isang bansa ay ang pagsusulong ng interes ng mga bansang nangangailangan nito at gayundin ng mga lokal naghaharing-uri. Masasabi na ang pagdami ng mga mamamayang migrante ay isang hudyat ng papalalang kalagayan ng ekonomiya, hindi ng pag-unlad na sinasabi sa GFMD dahil nakadepende at nakasandig ang ekonomiya sa remittances na nakukuha sa migrasyon. Ito ang dahilan kung bakit tinawag ni Gng. Arroyo, ang pangulo ng Republika ng Pilipinas, na “bayani ng bansa” ang mga OFWs. Ngunit kung ating susuriing mabuti, ang kalagayan ng mga OFWs ay masalimuot dahil sa mga patakaran ng migrasyon at paggawa at walang senyales ng pag-unlad bagkus makikita ang paghihirap sa mga bansang pinagtatrabahuhan.
References:
International League of People’s Struggle. _____. Global Forum on Migration and
Development. nd.
Global Forum on Migration and Development. 2007. The Philippines Prepares the Way
for the GFMD in Manila, October 2008 (Report on the First FOF Meeting). Belgium. Retrieved on October 8, 2008. .
*ang artikulong ito ay isang requirement na pinasa ko sa Sociology 197